1. Home
  2. Lipunan

Sanggol isa sa 4 na namatay sa aksidente na isinara ang Highway 401

Ang suspek sa pagnanakaw ay nagmamaneho sa maling direksyon sa eastbound lanes, ayon sa pulisya

Ang mga sasakyan ng emergency services sa isang highway.

Ang mga sasakyan ng emergency services sa eksena ng nakamamatay na aksidente sa Highway 401 sa Whitby noong Abril 29, 2024.

Litrato: CBC

RCI

Isang sanggol ang isa sa apat na taong namatay sa isang malagim na aksidente silangan ng Toronto noong Lunes, pagkatapos habulin ng pulis ang suspek sa pagnanakaw na nagmamaneho sa maling direksyon sa Highway 401, sinabi ng police watchdog ng Ontario.

Inaasahan ang Special Investigations Unit (SIU) na magbibigay ng mas maraming impormasyon sa isang news conference malapit sa eksena Martes ng umaga.

Unang rumesponde ang Durham Regional Police sa isang tawag ukol sa pagnanakaw sa Clarington, silangan ng lugar na pinangyarihan ng aksidente, bandang 7:50 ng gabi ET, ayon kay Sgt. Joanne Bortoluss.

Ang suspek ay tumakas sa isang sasakyan, na hinabol ng pulis, ani Bortoluss.

Kinalaunan ang suspek ay nakarating sa Highway 401, nagmamaneho sa maling direksyon sa eastbound lanes, aniya. Ang aksidente ay naganap malapit sa exit para sa Highway 412 sa Whitby, mga 50 kilometro silangan ng Toronto.

Isang bidyo na umiikot sa X, dating Twitter, ang nagpakita sa isang rental van na mabilis na sinalubong ang trapiko at nakabuntot dito ang mga sasakyan ng pulis Durham. Ang bidyo ay tumalon sa aftermath ng matinding aksidente sa gilid ng highway.

Sa isa pang bidyo na na-capture sa ibang anggulo, ang napinsalang transport truck ay nakitang sumalpok sa isang concrete median.

Isinara ng Ontario Provincial Police ang highway sa parehong direksyon magdamag. Muli itong binuksan sa trapiko mula noon.

Ang Special Investigations Unit ang nag-iimbestiga sa kilos ng police officers sa mga insidenteng nagresulta sa kamatayan, seryosong injury o pagpapaputok ng baril.

Isang artikulo ng CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita